1. ANO ANG POLIO?
● Sakit na dulot ng poliovirus
● Umaatake ang poliovirus sa spinal cord at mga nerves na nagpapagalaw sa mga
muscles, lalong lalo na sa paa, hanggang ang mga ito ay hindi na maigalaw at
maparalisa habangbuhay.
● Maaari ring maparalisa ang ating diaphragm o ang ating “breathing muscle”, kung
kaya’t maaaring mahirapang huminga ang pasyente. Maaari niya itong ikamatay.
2. ANU-ANO ANG MGA SINTOMAS NG POLIO?
Karamihan ng polio infection ay walang sintomas. Kung meron man, maaari itong
maihalintulad sa ibang mga sakit, tulad ng trangkaso na may lagnat at pananakit ng ulo,
pagkapagod o fatigue. Maari ring magkaroon ng paninigas ng leeg o stiff neck, o
panghihina ng mga braso at binti.
3. PAANO KUMAKALAT ANG POLIO?
Pumapasok ang poliovirus sa bibig ng tao sa pamamagitan ng mga kamay, pagkain at
inumin na kontaminado ng dumi ng tao na may poliovirus.
4. NAGAGAMOT BA ITO? PAANO ITO MAIIWASAN?
Walang gamot laban sa polio. Tanging bakuna lamang ang paraan para maiwasan ito.
Bilang bahagi ng routine immunization, binibigyan ng OPV ang mga batang 1 ½ buwan
(1st dose), 2 ½ buwan (2nd dose), at 3 ½ buwan (3rd dose) at Inactivated Polio Vaccine
(IPV) sa mga batang 3 ½ buwan, kasabay ng 3rd dose ng OPV. Tuwing may outbreak o
banta ng outbreak, nagbibigay ng dagdag na dose ng OPV sa mga bata.