Sorry, nak.
Sorry kasi madalas nagagalit ako kapag hindi ka tumatahan. Sorry kasi naiinis ako sa tuwing hindi ka nagpapababa lalo’t may ginagawa ako. Sorry kasi minsan hindi ko mapigilang hayaan ka sa pag iyak kasi di ko alam ano gusto mo. Sorry kasi minsan gusto ko munang mapag-isa at kalimutang nanay ako kasi pagod ako. Sorry, anak. Sana alam mong kahit pagod ako, kahit naiinis ako, kahit nagagalit ako, kahit minsan hindi ko na alam anong gagawin ko, mahal na mahal pa rin kita. Tao lang si nanay, napapagod din, nagagalit din, nahihirapan din. Pero kahit ganun, hinding hindi ako mapapagod mahalin ka. Kasi kahit umiyak ka ng umiyak at nagagalit na ako kasi ayaw mo tumahan, yayakapin pa din kita at gagawa at gagawa pa din ako ng paraan para patahanin ka. Kahit marami akong gawain at ayaw mong magpababa, pipiliin ko pa ding kargahin ka at unahin ka. Kahit madalas naririndi na ako sa kakaiyak mo, magpapakakengkoy pa din si nanay para lang mapangiti ka. Kasi kahit nakakapagod maging nanay, hinding hindi ko pagsisisihan na naging anak kita at naging nanay mo ako. Mahirap, maraming isasakripisyo, at nakakapagod, pero para sayo, anak, kinakaya ko at kakayanin ko. Nagmamahal, Nanay