Para sa Aking Munting Pag-asa 🩵

Mahal kong anak, Ngayong sinusulat ko ito, ramdam na ramdam ko ang bigat sa dibdib ko. Pasensya ka na, anak. Pasensya kung ganito si Nanay ngayon, mahina, laging pagod, at mas maraming luha kaysa ngiti. Hindi ko rin minsan maintindihan ang sarili ko. Pero isa lang ang malinaw, hindi kita pinagsisisihan. Alam ko, nabuo ka sa hindi perpektong panahon at sa isang sitwasyong maraming tao ang hindi makakaintindi. Pero kahit ganoon, ikaw ang pinili ko. Masaya ako noong nalaman kong nabubuo ka sa loob ko. Masaya ako dahil may bunga ang pagmamahalan namin ng tatay mo, kahit pa ito’y hindi nagtagal gaya ng inaasahan. Sa totoo lang, anak, mahal ko ang tatay mo, mahal na mahal. Binigay ko ang lahat, at marahil, doon ako naging marupok. Pinangarap kong buo tayo, sabay ka naming hinintay at salubungin ka sa mundo. Pero hindi ganon ang nangyari. Iniwan ako ng realidad, at ngayon, mag-isa kong nilalabanan ang sakit. Hindi ko sinasadya na maging makasarili. Minsan inuuna ko ang sarili kong lungkot at sakit at nakakalimutan kong may isang maliit na buhay sa loob ko na tahimik lang na nangangailangan. Pasensya na, anak. Pero gusto kong malaman mo, ikaw ang dahilan kung bakit pilit pa rin akong lumalaban. Hindi pa kita nahahawakan pero mahal na mahal na kita. Ikaw ang liwanag sa lahat ng dilim na pinagdaraanan ko ngayon. At kahit hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat, ipinapangako ko, gagawin ko ang lahat para sa’yo. Ipaglalaban kita, aalagaan kita, at mamahalin ko ang sarili ko, dahil kailangan mo ako. Alam ko rin na mahal ka ng tatay mo, pero magulo lang ang mundo niya ngayon. Kaya pinili ko munang lumayo, hindi para ipagkait ka, kundi para mas maprotektahan kita habang mahina pa si Nanay. Darating ang araw na magiging mas matatag ako, at mas maibibigay ko ang mundong nararapat sa’yo. Kaya anak, habang nandiyan ka sa loob ko, sana maramdaman mo kung gaano kita kamahal. Sana maramdaman mo na kahit lumuluha si Nanay, araw-araw niya pa ring pinipili na mabuhay, para sa’yo. Ikaw ang pag-asa ko. Ikaw ang dahilan ng lakas ko. Ikaw ang munting himala ko. Mahal na mahal kita, anak. At ipapangako ko sa sarili ko, hinding-hindi kita pababayaan. – Kay Nanay, na patuloy na lalaban para sa’yo 🌻

 profile icon
Viết phản hồi
Hãy là người đầu tiên trả lời