Munting Anghel
May 22, 2020 3:43PM Pinakamasayang sandali ng buhay ko. Parang musika sa akin ang iyak ng munti kong anghel. Lahat ng sakit at hirap sa panganganak, napawi nang oras na masilayan ko siya. Ganito pala ang pakiramdam, walang pagsidlan ang kagalakan. Pero nagbago rin lahat ilang oras pagkatapos ko siyang isilang, bigla na lang siyang nahirapang huminga. Dinala sa ospital-nilagyan ng oxygen-- ang sabi stable ka na. Patuloy akong nagdasal na sana maging ayos na, kinailangan mo na ng gatas pero kahit anong pump ko wala pa rin kaya naman nanghingi tayo ng tulong, at hindi naman tayo pinabayaan ng Diyos dahil ang daming nagbigay sa'yo. Nagiging ayos na ang pakiramdam mo pero hindi pa rin ako panatag dahil hindi pa kita makasama. Mas lalong sumakit at bumigat ang pakiramdam namin ng papa mo nang biglang tumawag ang doktor mo na kailangan mo nang lagyan ng tubo dahil hirap ka na sa paghinga, sobrang sakit. Hatinggabi rin noong araw na 'yon pinapupunta na ako sa ospital para macheck-up din pero sadyang may pumipigil, hindi na ako natuloy. Hindi man ako makatulog nang maayos pero pinilit kong matulog para magpalakas pa para sa'yo. Mga bandang mag-aalas tres ng madaling araw tumawag ulit ang doktor sa papa mo dahil pinapupunta na siya sa ospital, kritikal ka na, kahit si papa hindi mo na nahintay tuluyan ka nang nawalan ng hininga. Ang sakit, sobrang sakit. Hindi man lang ulit kita nakarga anak. Alam kong lumaban ka, napakatatag mo, ngayon hindi ka na mahihirapan sa piling ng Diyos. Mahal na mahal na mahal kita. Hanggang sa muli munting anghel ng buhay ko.